Inabsuwelto ng Sandiganbayan si dating Senador at ngayon ay Presidential legal Counsel Juan Ponce Enrile sa kinakaharap nitong kaso na pandarambong na may kinalaman sa pork barrel fund scam.
Kaninang alas-otso ng umaga nang isagawa ang promulgation o paghahatol sa kaso na nilitis ng Sandiganbayan Third Division sa loob ng nakalipas na sampung taon.
Bukod kay Enrile, abswelto rin sa plunder ang chief of staff nito nang siya ay Senate President pa na si Jessica ‘Gigi’ Reyes maging ang negosyante na si Janet Lim Napoles na sinasabing utak ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) Scam.
Ayon sa 3rd Division ng Sandiganbayan, bigong patunayan ng prosekusyon sa pamamagitan ng mga ebidensya beyond reasonable doubt ang pagkakasangkot ni Enrile sa kasong plunder.
Dahil sa pagkaabswelto ay lifted na ang nakalabas na hold departure order laban kay Enrile at Reyes.
Pero sa panig ni Napoles ay kulong pa rin ito dahil sa conviction na nauna nang ipinataw sa kanya ng korte.
Ang kaso ay nag-ugat dahil sa umano ay maanumalyang paggamit sa 172 milyong pisong halaga ng PDAF Scam noon ni Enrile na idinaan sa mga bogus na Non-Government Organization (NGO’s) ni Janet Lim Napoles.