Enrollment para sa School Year 2020-2021, pinalawig hanggang July 15

Inanunsyo ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na extended ang enrollment para sa School Year 2020-2021.

Ayon kay Roque, sa datos na ibinigay sa kanya ni Education Sec. Leonor Briones nasa 15,223,315 na mga estudyante ang nag-enroll para sa pampublikong paaralan habang nasa 672,403 naman ang mga nakapag-enroll sa pribadong paaralan na sadyang mababa kung ikukumpara sa 27 milyong enrollees noong isang taon.

Sinabi ni Roque na talagang matumal ang mga nag-eenroll ngayong taon lalo na sa pribadong paaralan dahil sa COVID-19 pandemic.


Pero, pakiusap nito sa mga magulang na i-enroll na ang kanilang mga anak at huwag nang hintayin pa ang pagtatapos ng enrollment period sa July 15, 2020.

Giit ng kalihim, huwag sanang itigil ang proseso ng edukasyon o patigilin sa pag-aaral ang mga estudyante dahil sa COVID-19.

Nabatid na may dalawang pamamaraan upang makapag-enroll ang mga estudyante, ito ay online at kapag walang access sa internet ay maaaring magfill-up ng form ang mga magulang at ihulog sa drop box na sya namang kukunin ng mga Brgy. at Local Government Units (LGUs) at ipapadala sa mga paaralan.

Ang opening ng klase para sa School Yr. 2020-2021 ay nakatakda sa August 24, 2020 ngunit hindi pa rin pinapayagan ang face-to-face learning hangga’t wala pang bakuna kontra COVID-19.

Facebook Comments