Tuloy ang pagbubukas ng klase sa August 24, 2020.
Ito ang nilinaw ng Malacañang kasunod ng pagtutol ni Pangulong Rodrigo Duterte na magkaroon ng face-to-face classes hangga’t walang bakuna laban sa COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, tiyak na tuloy ang pag-aaral ng mga kabataan, at ang pag-uusapan na lang ay kung kaya nang magsagawa ng face-to-face classes o “blended learning”.
Papayagan lang aniya ang face-to-face classes sa mga lugar na wala nang community quarantine oras na magsimula na ang pasukan.
Habang blended learning ang ipatutupad sa mga lugar na nasa ilalim pa rin ng quarantine sa August 24 kung saan tuturuan ang mga estudyante sa pamamagitan ng internet, radyo at telebisyon.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Roque na tuloy ang enrollment ng mga bata sa June 1.