Enrollment sa public schools, magsisimula na bukas – DepEd

Sisimulan na bukas, August 16, ng Department of Education (DepEd) ang enrollment para sa darating na pasukan.

Sa ilalim ng DepEd Order No. 32, magsasagawa ng remote enrollment sa mga lugar na nasa ilalim ng enahanced community quarantine (ECQ) at modified enhanced community quarantine (MECQ).

Dito ay tatawagan ng eskwelahan ang mga magulang pero pwede ring ang magulang mismo ang tumawag sa mga guro para i-enrol ang kanilang anak.


Pwede rin namang isumite ng mga magulang ang sinagutang Modified Learner Enrollment and Survey Forms (MLESF) sa mga paaralan na nasa general community quarantine (GCQ) at modified GCQ areas.

Maaari ring magsagawa ang mga eskwelahan ng drop box enrollment kung saan ihuhulog ng mga magulang ang MLESF sa mga drop box o booths na matatagpuan sa harapan ng school gate, barangay hall at iba pang strategic locations.

Ang enrollment ay pamamahalaan ng mga guro at non-teaching personnel na bakunado na kontra COVID-19.

Magtatapos ang enrollment period sa September 13 na siya ring unang araw ng pasukan.

Distance learning pa rin ang ipatutupad ng mga eskwelahan dahil nagpapatuloy pa ang banta ng COVID-19.

Facebook Comments