Enrollment sa public schools, nahigitan na ang turnout ng nakaraang school year – DepEd

Nalagpasan na ng bilang ng mga naka-enroll sa pampublikong eskwelahan ang datos nakaraang school year.

Batay sa enrollment data ng Department of Education (DepEd) mula nitong October 21, nasa 22.71 million na estudyante ang naka-enroll na sa pampublikong eskwelahan para sa School Year (SY) 2020-2021 o 100.6% ng SY 2019-2020 enrollment na nasa 22.5 million.

Ang kasalukuyang enrollment sa public at private schools sa basic education level ay 24.98 million o 89.96% ng nakaraang taong enrollment.


Aabot sa 2.21 million na enrollees sa pribadong eskwelahan o 51.39% ng nakaraang taong enrollment.

Ang national enrollment data ay sakop ang public at private schools, maging ang State Universities and Colleges (SUCs) at Local Universities and Colleges (LUCs) na nag-aalok ng Senior High School Program.

Ang pinakamataas na bilang ng enrollees ay mula sa Region 4-A (CALABARZON) na may 3.4 million kasunod ang National Capital Region (NCR) na may 2.6 million at Region 3 (Central Luzon) na may 2.5 million.

Batay sa panuntunan ng DepEd, importanteng makumpleto ng estudyante ang 80-porsyento ng requirements ng programa.

Ang mga late enrollees ay patuloy na tatanggapin hanggang Nobyembre ngayong taon.

Tinatayang nasa 2.8 million na estudyante ang hindi pa nakaka-enroll kumpara sa nakaraang taong turnout.

Facebook Comments