Ibabalik ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang programa noon ng ahensya na “Hatid Saya” para sa mga Overseas Filipino Worker.
Ayon kay OWWA Administrator Arnell Ignacio, sinabihan siya ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan “Toots” Ople na ibalik ang programa para mabawasan ang lungkot at culture-shocks experience ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.
Ang Hatid Saya ay taunang entertainment show na libreng ipinagkakaloob sa mga OFW tampok ang mga Filipino actors/actresses, singers at entertainers.
“Kailangan natin silang hatiran ng saya e, kasi ang unang-una niyang makakasalubong problema ay lungkot,” saad ni Ignacio sa interview ng DZXL558 RMN Manila.
Maliban dito, prayoridad din ni Ignacio na gawin ang OWWA bilang ahensyang magaang lapitan at tila extension ng bahay ng mga OFW.
Plano rin niya na bumuo ng isang konseho ng mga nagretirong opisyal ng OWWA na maaari niyang konsultahin sa mga desisyong gagawin ng ahensya.
“Sa OWWA, napakaraming nag-retire na mga katrabaho ko na talagang mabibilib ka sa institutional knowledge and experience ng mga ‘to. I don’t want to put that to waste,” ani Ignacio.
“I’d like to organize a council, o para bang a council of elders na ito’y minu-minuto binabalikan namin, to consult at mabigyan din kami at magamit namin yung kanilang wisdom sa mga desisyong gagawin ko,” dagdag niya.