ENTRANCE EXAM | CAEX, ilulunsad ng NAPOLCOM

Manila, Philippines – Ilulunsad ngayong araw ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang Computer-Assisted Examination (CAEX) para sa mga aplikante sa nalalapit na entrance examinations ng Philippine National Police (PNP).

Ang PNP entrance exam ay gaganapin sa June 29, July 6, 13, 20 at 27 sa NAPOLCOM office sa Quezon City.

Ayon kay NAPOLCOM Vice Chairman At Executive Officer Atty. Rogelio Casurao, ang mga aplikante ay dapat kumuha ng appointment sa pamamagitan ng online application scheduling system (OLEASS) sa website: www.caex.napolcom.gov.ph.


Maari aniyang pumili ang aplikante ng petsa kung kailan nais nitong kuhanin ang exam.

Ang mga kinumpirmang schedule ay ipapadala sa pamamagitan email kung saan aabisuhan sila na i-access ang on-link at ipasok ang kinakailangang impormasyon sa application form.

Dapat personal na maipasa ang applications sa tanggapan ng NAPOLCOM sa araw ng kanilang scheduled appointment o examination dates.

Nagkakahalaga ng 600 pesos ang examination fee.

Paalala rin ni Casurao sa mga aplikante na magsuot ng plain white shirt, dark pants at shoes sa kanilang scheduled appointment o examination dates.

Ang mga hindi papasa sa eksaminasyon ay maari muling kumuha ng exam pagkatapos ng tatlong buwan.

Ang PNP entrance examination ay bukas sa lahat ng Pilipino na may hawak na anumang bachelor’s degree at hindi hihigit sa 30-taong gulang.

Facebook Comments