Nakahandang magbigay ng tulong ang Department of Transportation (DOTr) sa mga driver at operator na nabigong i-consolidate ang kanilang mga prangkisa sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Ayon kay Office of Transportation Cooperatives (OTC) Chairman Jesus Ferdinand Ortega, na kabilang sa mga programa na pinatupad ng DOTr sa tulong ng iba pang ahensya ay ang “EnTSUPERneur” program ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ang “Tsuper Iskolar” ng Technical Education and Skills Development Program (TESDA).
Aniya ang mga inisyatibong ito ay naglalayong mapabuti ang kabuhayan ng mga driver at operator na apektado ng PUVMP.
Nagbigay ng pondo ang DOTr sa “EnTSUPERneur” program upang matulungan ang Labor Department na isagawa ang DOLE Integrated Livelihood Program (DILP), na naglalayong magbigay ng puhunan at capacity building sa kabuhayan at entrepreneurship para sa mga apektadong manggagawa.
Ang Tsuper Iskolar program ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay magbibigay ng scholarship at livelihood training sa mga driver, operator, at kanilang mga pamilya.