
Isang mahalagang hakbang tungo sa mas epektibong pangangalaga sa kapaligiran ang isinagawang Environment Awareness Seminar ng Alaminos City Environmental and Natural Resources Office (City ENRO) katuwang ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa mga kawani ng pamahalaan sa lungsod.
Layunin ng seminar na palalimin ang kaalaman ng mga empleyado hinggil sa mga umiiral na batas pangkalikasan at ang kanilang papel sa pagpapatupad nito. Tinalakay sa programa ang mahahalagang probisyon ng Ecological Solid Waste Management Act, Clean Air Act, Clean Water Act, at Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act. Ipinaliwanag din ang wastong proseso sa pangangalaga ng likas na yaman at ang kahalagahan ng aktibong partisipasyon ng bawat isa sa pagpapanatili ng malinis at ligtas na kapaligiran.
Binigyang-diin din sa talakayan ang kahalagahan ng pangangalaga sa wildlife at biodiversity bilang bahagi ng balanseng ekosistema. Sa pamamagitan ng ganitong inisyatiba, mas napagtitibay ang kamalayan at responsibilidad ng mga kawani ng pamahalaan na maging huwaran sa pagsunod at pagpapatupad ng mga batas na naglalayong protektahan ang kalikasan.
Ipinahayag naman ng pamunuan ng lungsod ang kanilang buong suporta sa mga programang nagsusulong ng pangmatagalang solusyon para sa pangangalaga ng kapaligiran—patunay ng kanilang patuloy na adhikain para sa isang mas malinis, mas ligtas, at mas luntiang komunidad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










