Manila, Philippines – Muli namang nagpaalala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga bakasyunista na hangga’t maaari ay gawing ‘Environment Friendly’ ang paggunita sa Semana Santa.
Ayon kay Environment Secretary Roy Cimatu, bukod sa panahon ng banal pag-aayuno, pagninilay-nilay at Visita Iglesia ng mga Kristiyano ay pagkakataon rin ito ng mahabang bakasyon kung saan kadalasang puntahan ang mga beach resort sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Giit ng kalihim marapat lamang na muling paalalahanan ang publiko na maging responsable sa pagtatapon ng kanilang mga basura at huwag gawing ‘dumpsite’ ang mga dalampasigan.
Ang pahayag ni Cimatu sa harap na rin ng puspusang aksyon ng gobyerno na solusyunan ang mga nakitang paglabag at unti-unting pagkasira ng Boracay, El Nido, Panglao at Siargao beach dahil sa mga pabayang komersyo at iresponsableng turismo.