ENVIRONMENTAL FEES | Ikalawang bugso ng mga kaso laban sa ilang opisyal ng Malay, Aklan – isasampa ng DILG

71

Aklan – Isasampa na ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang “second wave” ng mga kaso laban sa ilang opisyal ng Malay, Aklan dahil sa mga discrepancy sa koleksyon at paggamit ng environmental fees sa Boracay.

Sabi ni DILG Undersecretary Epimaco Densing III, nadiskubre nila na sinisingil ng P75 na environmental fee ang mga pumapasok na turista sa Boracay.

Noong 2017, iniulat ng lokal na pamahalaan ng Malay na 2 milyong turista ang pumasok sa naturang tourist destination at kung susumahin ay aabot sa P150 million na environmental fee ang nasingil ng mga ito.

Sa naturang halaga, idineklara lang ng Malay local government ang P92 million environmental fees na 85% ng kanilang share.

Dagdag ni Densing, nalaman nila na ng ilang bahagi ng pondo mula sa environmental fee ang ginamit sa mga proyekto na wala namang kinalaman sa kalikasan.

Nagpatulong na ang DILG sa Commission on Audit (COA) na suriin ang koleksyon at paggamit ng environmental fee sa Boracay.

Sa oras na makuha ng ahensya ang COA report ay magsasampa sila ng anti-graft and corrupt practices action violations laban sa mga lokal na opisyal ng Malay, Aklan.

Facebook Comments