Thursday, February 12, 2026

Environmental group na BAN Toxics, pinag-iingat ang mga magsing-irog sa nalalapit na “Araw ng mga Puso”; iwasan ang mga regalong may nakalalasong kemikal

Kasabay ng nalalapit na “Araw ng mga Puso,” pinag-iingat ng grupong BAN Toxics ang mga magsing-irog laban sa mga regalong nagtataglay ng “toxic chemicals” o nakalalasong kemikal na maaaring magdulot ng panganib sa kalusugan sa halip na pag-ibig at kilig.

Ayon kay Thony Dizon ng BAN Toxics, may ilang Valentine’s gift silang nakitaan ng “lead.”

Kabilang dito ang ilang plastic na bulaklak na may “button cell batteries” at ilaw, mga korteng-puso na item, at ilang regalo na may kasamang tsokolate at ceramic mugs na nagkakahalaga ng P50.00 hanggang P300.00.

Ang mga nasabing produkto ay mabibili sa Makati, Manila, Caloocan, at Quezon City. Karamihan sa mga ito ay wala umanong sapat na impormasyon sa label.

Upang maitaguyod ang ligtas at iwas-basurang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso, hinimok ng BAN Toxics ang publiko na tangkilikin ang mga “eco-friendly” na alternatibo.

Kabilang dito ang:

Pamimigay ng simple, natural, o organic na regalo na hindi gumagamit ng plastic

Pamamasyal sa mga eco-park at, sa halip na bonggang plastic bouquet, magbigay ng sariwang bulaklak o halaman

Panonood ng konsyerto, pagpunta sa art exhibit, hiking, DIY spa, o candlelit dinner sa bahay

Pagtatanim ng puno o pagsisimula ng garden

Pagsulat ng tula

Pagbibigay ng DIY na regalo gamit ang recycled na materyales

Facebook Comments