Environmental groups, ikinatuwa ang tuluyang pag-alis ng basura mula South Korea na dinala sa bansa

Nagbunyi na ang EcoWaste Coalition at iba pang Environmental Health and Justice Groups matapos maibalik sa South Korea ang final shipment ng mga basura na dinala sa bansa noong Hulyo 2018.

Ito’y matapos kumpirmahin ng Bureau of Customs (BOC) sa Region 10 ang re-exportation ng natitirang 43 containers ng illegal waste shipments na katumbas ng 1,036 metric tons na basura.

Ang mga basura na naka address sa Verde Soco Philippines sa Misamis Oriental ay nakapasok sa bansa matapos ideklarang mga “plastic synthetic flakes”.


Pero nang suriin ng Customs, saka lamang nalaman na puro basura ang laman ng mga container vans.

Inilagay ito sa Mindanao International Container Terminal Port sa Tagoloan, Misamis Oriental.

Ayon kay Aileen Lucero National Coordinator ng EcoWaste Coalition, aabot sa 364 ang bilang ng garbage-filled containers o 7,408.46 metric tons ang naibalik sa South Korea sa pitong batch na pinasimulan noong January 2019.

Facebook Comments