Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, maaaring idulog sa Korte Suprema ang isyung legal sakaling tuluyan ang pagpapatupad ng Executive Order (EO) No. 128 kahit hindi pa ito naaaksyunan ng Kongreso.
Nakapaloob sa EO na itaas sa 404,000 metriko tonelada ang Minimum Access Volume (MAV) o dami ng aangkating pork ng bansa ngayong taon at ang pagbaba sa taripa o buwis nito.
Diin ni Drilon, iligal at kawalang respeto sa Kongreso oras na ipatupad na ang EO 128.
Paliwanag ni Drilon, naka-break na ang sesyon nang matanggap ng Senado ang liham ng Pangulo na nagrerekomendang itaas ang volume ng aangkating pork kaya’t dapat na hintayin muna na magbalik ang kanilang sesyon sa May 17.
Iginiit ni Drilon na bilang pagpapanatili sa diwa ng batas, ay dapat bigyan ng pagkakataon ang kongreso na aksyunan ang panukalang increase sa MAV dahil nasa Kongreso ang kapangyarihan na magtakda ng import quota.