Manila, Philippines – Bumuo si Pangulong Rodrigo Duterte, ng National Taskforce na ang mandato ay tuldukan na ang Communist Armed Conflict sa bansa.
Sa ilalim ng Executive Order Number 70 na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong December 4 ay iniinstitutionalize ng Pangulo ang Whole Nation Approach Policy para magkaroon ng kapayapaan at tapusin na ang bakbakan sa pagitan ng Gobyerno ng Pilipinas at rebeldeng NPA.
Base sa EO ay uunahin at aayusin ang pagbibigay ng basic services at social development packages sa mga conflict areas at vulnerable communities sa bansa.
Layon din nitong makuha ang partisipasyon ng lahat ng sector para makamit ang peace agenda ng Pamahalaan.
Ang binuong National Task Force ay sasailalim sa Office of the President kung saan tatayong Chairman ang Pangulo ng Bansa at tatayo namang Vice-Chairman ang National Security Adviser habang miyembro naman ang iba pang tanggapan ng Pamahalaan kabilang na ang Department of Interior and Local Government, Department of Justice, Department of National Defense, Department of Public Works and Highways, Department of Education, Department of Social Welfare and Development, Presidential Adviser on the Peace Process at maraming iba pa.
Kabilang naman sa magiging kapangyarihan ng nasabing taskforce ay bumuo ng at ipatupad sa tulong ng kinauukulang national government agencies at local government units, civil society at iba pang stakeholder ang Whole Nation Approach-Driven National Peace Framework.
Binibigyan din nito ng kapangyarihan ang mga local chief executives na magsagawa ng local peace engagements, negotiations at interventions.