Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng sangay ng pamahalaan maging ang pribadong sector na kilalanin at tanggapin ang Philippine Identification System Number.
Sa inilabas na Executive Order 162 na pirmado ni Pangulong Duterte nitong February 14, 2022, binibigyang diin na itinatag ang Philippine Identification System o PhilSys para magbigay sa mamamayan ng sapat na patunay ng kaniyang pagkakakilanlan.
Nakasaad pa sa naturang EO na alinsunod sa RA 11055 ang PhilSys number ay magsisilbi bilang official government issued identification document.
Dapat din itong kilalanin at tanggapin sa pakikipag-transaksyon sa lahat ng national government agencies, Local Government Units (LGUs), Government-Owned and Controlled Corporations (GOCCs), government financial institutions at pribadong sector nang hindi na kailangang humanap pa ng ibang ID.
Kabilang sa mga transaksyong ito ay ang access sa social welfare benefits, aplikasyon para sa passport at driver’s license, paglalakad ng mga transaksyon hinggil sa pagbubuwis, voting registration at identification purposes at iba pang government transactions.