EO na nagbabawal sa paputok, iginiit ng isang senador na ipatupad ng kasalukuyang administrasyong Marcos

Iginiit ni Senator Imee Marcos na mayroong Executive Order (EO) na nagbabawal sa mga paputok at ang dapat na lamang gawin ay ang ipatupad ito.

Ang reaksyon ng senadora ay sa harap na rin ng pahayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na dapat ipagbawal ang firecrackers sa lahat ng lungsod at munisipalidad sa buong bansa para matiyak ang maayos at ligtas na pagsalubong sa Bagong Taon.

Ang tinutukoy naman ni Senator Marcos na kautusan na nagbabawal sa paggamit ng paputok ay ang EO 28 ni dating Pangulong Rodrigo Duterte noong 2017.


Aniya, obligado ang kasalukuyang pamahalaan na pagtibayin o ipatupad ang EO ng nakalipas na administrasyon.

Sa ilalim aniya ng Administrative Code nakasaad na ang EO ay hakbang ng pangulo para magkaloob ng patakaran na “general o permanent” ang character o epekto ng implementasyon.

Sinabi pa ng mambabatas na hangga’t walang panibagong executive order na ipinapalit sa EO 28 ay kailangan itong ipatupad ng kasalukuyang pamahalaan.

Payo pa ng senadora sa mga Pilipino, makabubuting ipagdiwang at salubungin natin ang Bagong Taon nang kumpleto ang mga daliri at iba pang bahagi ng katawan.

Facebook Comments