Kinalampag ni Bayan Muna Partylist Representative Carlos Zarate ang Malacañang na ibasura ang Executive Order 128 na nagtataas sa Minimum Access Volume (MAV) ng mga imported na baboy at nagpapababa pa sa taripa ng pork imports bilang pagtugon sa epekto ng African Swine fever (ASF).
Giit ni Zarate, itinuloy pa rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang EO 128 sa kabila ng lahat ng mga magbababoy sa bansa ay tutol dito.
Aniya, libu-libong Pilipino na naka-depende sa pork industry ang posibleng mawalan ng kabuhayan dahil hindi na makaagapay sa epekto ng MAV expansion na sinabayan pa ng mababang taripa sa imported na karne.
Pasaring pa ni Zarate, ang Pilipinas na nga ang pinakamalaking importer ng bigas, at pati ba naman baboy at manok ay Pilipinas pa rin ang mangunguna sa pag-i-import.
Ikinakabahala rin ng mambabatas na hindi naman matitiyak ng EO na bababa ang presyo ng karne sa merkado.
Ipinagtataka pa ng kongresista kung bakit palaging ang “default reaction” ng administrasyon lalo na ang Department of Agriculture (DA) ay ang importasyon sa halip na tulungang paunlarin ang mga lokal na magbababoy at magsasaka o ang sektor ng agrikultura sa bansa.