EO para sa taas-sahod ng uniformed personnel, inilabas na

Inilabas na ng Malacañang ang Executive Order 107 na magtataas sa sahod at subsistence allowance ng mga military at uniformed personnel o MUP sa buong bansa.

Sakop ng EO ang mga tauhan ng Department of National Defense (DND), Department of the Interior and Local Government (DILG), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Corrections (BuCor), at National Mapping and Resource Information Authority (NAMRIA).

Ayon sa EO, tataas ang kanilang base pay sa tatlong bahagi: simula Enero 1, 2026, at susundan pa sa 2027 at 2028.

Kasabay nito, nakasaad rin na magiging ₱350 kada araw ang subsistence allowance ng lahat ng MUP simula Enero 1, 2026.

Sa bisa ng kautusan, bubuo ng Inter-Agency Technical Working Group mula sa Department of Budget and Management (DBM), Department of Finance (DOF), Bureau of the Treasury at Government Service Insurance System (GSIS) para magsuri sa MUP pension system at magmungkahi ng panukalang batas kung kinakailangan upang maging mas matatag at patas ang sistema.

Ang pondo para sa dagdag-sahod at allowance sa 2026 ay manggagaling sa nakalaang budget ng 2026 national budget, habang ang pondo para sa 2027 at 2028 ay isasama sa mga susunod na National Expenditure Program.

Inaatasan naman ang lahat ng ahensyang sakop ng MUP na magtalaga ng kanilang kinatawan at magbigay ng suporta sa TWG sa loob ng 30 araw mula sa bisa ng EO.

Facebook Comments