EO sa pag-issue ng Emergency Use Authorization para sa COVID-19 vaccine, nilagdaan na ni Pangulong Duterte

Pinayagan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Food and Drug Administration (FDA) na mag-issue ng Emergency Use Authorization (EUA) sa paggamit ng COVID-19 vaccine.

Batay sa Executive Order (EO) 121 na nilagdaan ng Pangulo nitong December 1, 2020, inatasan nito ang Director General ng FDA na maglabas ng EUA kaakibat ang ilang mga kondisyon.

Kabilang dito ang pagtitiyak na ligtas at hindi malalagay sa peligro ang mga bibigyan ng bakuna, masigurado na epektibo ang bakuna at walang ibang alternatibong gamot o bakuna para magamit na pangontra sa COVID-19.


Ang EUA ay isang mekanismo na layong tiyakin na mapapabilis ang proseso ng availability at paggamit ng medical counter measure kung mayroon public health emergencies gaya ng COVID-19 pandemic.

Karaniwan kasing tumatagal ng anim na buwan ang proseso o pag-apruba ng FDA sa bakuna pero kung mayroong EUA ay maaari itong umusad ng hanggang 30 araw.

Sa kabila nito, sinabi ni Vaccine Czar at National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Carlito Galvez Jr. na ang EUA ay hindi nangangahulugan na shortcut na ang pag-apruba ng COVID-19 vaccine.

Kinakailangan pa rin aniyang dumaan sa clinical trials ang bakuna.

Facebook Comments