EO12 mandatory review, nakabitin pa; EV industry stakeholders, etsa-puwera sa gagawing pagrebisa ng NEDA?

Hindi pa malinaw ang pag-amyenda sa Executive Order No. 12, na tutugon sa hindi pagsasama sa 2-wheel electric vehicles sa pagkakaloob ng tax incentives sa electric vehicles.

Hindi pa rin naglalabas ng mga detalye ang National Economic and Development Authority (NEDA) kung nagsimula na ang review process matapos ang palugit na isang taon noong Pebrero 21, 2024 para sa pagrebisa ng naturang executive order.

Sa isang text message, sinabi ni mobility advocate at  Electric Kick Scooter (EKS) Philippines co-founder at  Chairman Tim Vargas na nagsumite sila ng mga suhestiyon sa NEDA hinggil sa  EO12 subalit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa silang natatanggap na sagot.


Samantala, sinabi ni Electric Vehicle Association of the Philippines (EVAP) President Edmund Araga na, “unfortunately, we were not invited (by NEDA) to be part of the review.”

Ang EO12 na nagkakaloob ng tax breaks sa ilang uri ng EVs ay nakatakda na para sa mandatory review at sa posibleng rebisyon, mula sa rekomendasyon ng  NEDA, isang taon makaraang magkabisa ito noong Pebrero 20, 2023.

Ang EO12 ay nagkakaloob ng tax breaks sa ilang uri ng EVs at mga parts at components nito, hindi kasama ang e-motorcycles, na pinapatawan pa rin ng 30% taripa.

Ang executive order ay umani ng batikos mula sa iba’t ibang stakeholders dahil hindi umano makatarungan na hindi isama ang e-motorcycles sa tax breaks.

Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), ang findings at recommendations ng NEDA hinggil sa EO12 ay isusumite sa Office of the President.

Ang iba’t ibang  stakeholders ng EV industry sa Pilipinas ay nanawagan sa NEDA na isama sa bibigyan ng tax breaks ang e-motorcycles kapag isinagawa ng ahensiya ang mandatory review nito.

Binigyang-diin nila ang mga benepisyo na maidudulot nito upang tugunan ang problema ng bansa sa carbon emissions at matulungan ang karamihan sa mga motorista at motorcycle riders sa kanilang paglipat sa green transportation.

Facebook Comments