Epektibong pagpapatupad ng mga batas para sa mga kababaihan, iginiit ni Sen. Legarda

Hiniling ni Senate President Pro Tempore Loren Legarda ang maayos at epektibong pagpapatupad ng mga batas na magtataguyod sa karapatan ng mga kababaihan ngayong International Women’s month.

Ayon kay Legarda, sa kabila ng pag-unlad ay patuloy na nakararanas ang mga kababaihan ng mga hamon sa gender stereotypes na hadlang para makamit nila ang patas na oportunidad sa employment at financial stability.

Panahon na aniya para pagkalooban ang mga kababaihan ng oportunidad sa edukasyon, sa trabaho, sa pagnenegosyo, sa rural development, pamamahala sa gobyerno at leadership roles.


Ipinunto ni Legarda ang report ng United Nations kung saan nakasaad na ang tuluyang pag-alis sa gender gaps sa employment ay mayroong malaking tsansa para maitaas ang gross domestic product ng hanggang 20 percent.

Batay naman sa International Labor Organization, ang pagtugon sa gap sa care services at policies ay maaaring makalikha ng halos 300 milyong trabaho sa 2035.

Dagdag pa ni Legarda, naibigay sa mga kababaihan ang responsibilidad ng mga gawaing bahay tulad ng pagluluto, pagaalaga, paglilinis at iba pa na madalas ay hindi kinikilala at hindi rin natutumbasan ng kompensasyon.

Facebook Comments