Inihain ni Committee on Energy Chairman Senator Win Gatchalian ang Senate Resolution No. 389 para maimbestigahan ang epekto ng COVID-19 pandemic sa oil at gas sectors.
Layunin ng pagdinig na pangungunahan ni Gatchalian na mailatag ang mga hakbang na dapat gawin ng gobyerno para mabigyan ng seguridad ang sektor ng enerhiya sa gitna ng krisis ngayon.
Diin ni Gatchalian, nakasalalay dito ang kapakanan nating lahat dahil kung mawawalan ng sapat na enerhiya ay maraming maaantalang industriya na makakaapekto sa maraming trabaho.
Sa inihaing resolusyon ay binanggit ni Gatchalian na dahil sa lockdown ay bumagsak ang demand o pangangailangan sa petrolyo dahil nasuspinde ang operasyon ng mga pabrika, byahe ng pribado at pampublikong sasakyan, at mga negosyo.
Binanggit din ni Gatchalian ang anunsyo ng Department of Energy (DOE) na 10% o 900 oil stations sa kabuuang mahigit 9,000 service stations sa buong bansa ang huminto rin ang operasyon kasabay ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Binanggit pa ni Gatchalian na dahil sa pandemic ay maaring maapektuhan din ang plano ng energy companies na oil at gas exploration projects dito sa Pilipinas.
Samantala, sa ngayon naman ay nagsasagawa ng pagdinig ang Committee on Education na pinamumunuan din ni Gatchalian ukol sa epekto ng pandemya sa basic education system ng bansa.