Posibleng maramdaman ang epekto ng COVID-19 pandemic sa mga susunod pang dekada.
Ito ang inihayag ng World Health Organization (WHO) kasunod ng assessment ng kanilang emergency committee na binubuo ng 18 miyembro at 12 advisers.
Ang komite ay maaaring magsulong ng mga bagong rekomendasyon o i-amyenda ang mga kasalukuyan.
Ayon kay WHO Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus, ang pandemya ay isang “once-in-a-century” health crisis.
Aminado ang opisyal na maraming scientific questions ang hindi pa rin nasasagot.
Babala ng WHO Chief na mananatiling banta ang virus sa sangkatauhan lalo na sa mga lugar na nakaranas ng severe outbreaks.
Sa ngayon, pinabibilis ang development ng bakuna pero habang wala pa ito, pinayuhan ng WHO ang lahat na matutong mamuhay kasama ang virus at labanan ito gamit ang mga available na gamit para rito.