Epekto ng COVID-19 sa OFW remittance, maliit lang ayon sa Palasyo

Tiniyak ni Cabinet Secretary Karlo Alexi Nograles na minimal lamang ang epekto ng COVID-19 sa Overseas Filipino Workers (OFW) remittances.

Sa Laging Handa press briefing sa Malakanyang sinabi ni Cabinet Secretary Nograles na sa tantya ng economic managers ng Duterte Administration bahagya lamang ang epekto nito dahil tanging 0.1% lamang ng OFW remittances ang mula sa China habang ang iba nitong administrative regions tulad ng Macau at Hong Kong ay 0.4% at 2.7% lamang mula sa kabuuang OFW remittances.

Nakapagtala din ayon kay Nograles ng record high na US $33.5 billion US dollars OFW remittances noong 2019.


Ngayong taon, inaasahan aniya ang $34.5 billion US dollars increase sa remittances o katumbas ng 3% growth rate pero dahil sa COVID-19 ibinaba nila ang growth projections sa 2.2% o $34.2 billion US dollars na remittances ngayong 2020 na maituturing parin aniyang record high para sa OFW remittances.

Kasunod nito sinabi ni Nograles na mapupunan ng remittances mula sa ibang bansa tulad ng US, UAE at Saudi Arabia ang posibleng pagbagal ng remittances na magmumula China, Macau at Hong Kong.

Facebook Comments