Inihain ni Committee on Basic Education, Arts and Culture Chairman Senator Sherwin Gatchalian ang Senate Resolution No. 391 para masuri ng Senado ang epekto ng COVID-19 sa sistema ng edukasyon sa bansa.
Layunin ng resolusyon na makapagbalangkas ng solusyon ang Gobyerno sa mga problemang kinakaharap ngayon ng sektor ng edukasyon dahil sa pandemya.
Giit ni Gatchalian, kailangang patatagin ang kakayahan ng mga paaralan na ipagpatuloy ang pagbibigay ng dekalidad na edukasyon sa panahon ng mga krisis at sakuna.
Ayon kay Gatchalian, sa kasalukuyan ay bumubuo ang Department of Education (DepEd) ng Learning Continuity Plan na gagamit ng ibang plataporma tulad ng radyo, telebisyon, at printed packets upang maituloy ang pagtuturo sa lahat ng mag-aaral sa bansa.
Paliwanag ni Gatchalian, dapat sanayin ang mga mag-aaral, mga magulang, at mga guro sa ‘Learning from Home’ na sistema dahil ito na ang magiging paraan ng pagtuturo sa ilalim ng ‘New Normal.’
Idinagdag pa ni Gatchalian na mahalaga ding matulungan ang mga pribadong paaralan kasunod ng pahayag ng Coordinating Council of Private Educational Associations na mas mababa o wala nang tinatanggap na sahod ang mahigit apat na raang libong guro at kawani sa mga pribadong paaralan.