Maliit lamang ang naging epekto sa mga maisan sa Bukidnon at Northern Mindanao ng pag-atake ng tinatawag na fall armyworms.
Sa virtual presser ng Department of Agriculture (DA), sinabi ni Director Roy Abaya ng Field Operations Service ng DA na nagpapatuloy ang validation ng binuong Quick Response Team upang malaman ang lawak ng pinsala sa maisan.
Pinakilos na rin ang Bureau of Plant Industry (BPI) para paigtingin ang pest monitoring at surveillance sa lalawigan ng Bukidnon at Misamis Oriental.
Sa inisyal na report, may 342.45 hectares ng maisan sa Bukidnon ang apektado ng fall armyworms.
Gumagawa na rin aniya ng mga hakbang ang ahensya para hindi na kumalat pa sa ibang lalawigan ang peste.
Nauna nang naglabas ng advisory ang DA-Region 10 sa posibleng pag-atake ng fall army worms.
Naglatag aniya ito ng mga rekomendasyon at protocol sa pagre-report ng pest detection sa rehiyon.