Ipinabubusisi ni Senator Win Gatchalian ang epekto sa energy security at sa presyuhan sa bansa ng giyera sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Sa Senate Resolution 78 na inihain ng senador ay inaatasan ang angkop na komite sa Senado na siyasatin “in aid of legislation” ang short, medium at long-term na epekto ng Russia-Ukraine conflict sa kabuuang ekonomiya ng bansa.
Partikular na pinapaimbestigahan ang epekto ng nasabing giyera sa suplay at presyo ng langis sa bansa at ang patuloy rin na pagtaas sa presyo sa pandaigdigang merkado.
Tinukoy sa resolusyon na mula nang magsimula ang Russia-Ukraine war ay higit sa USD100 na ang oil prices sa world market.
Naapektuhan din ng bakbakan sa Russia at Ukraine ang presyo ng coal na umakyat sa USD462 kada metriko tonelada noong March 2022 at ang crude oil na naitala sa USD108.32 per barrel noong May 2022.
Ipinunto ng senador na nakaapekto ito sa pagsirit sa presyo ng gasolina at diesel sa bansa na umabot ng 22% at 49% ang itinaas sa presyo ng kada litro nitong Mayo.
Nagresulta aniya ang pagtaas sa domestic prices ng langis sa hindi na pagbyahe sa marami sa mga Public Utility Vehicle (PUV) driver na nagdulot ng kawalan ng masasakyan para sa mga commuter.