Pinaghahandaan na rin ng Manila Police District (MPD) ang magiging epekto ng La Niña sa lungsod ng Maynila.
Ito’y matapos na maging maayos at walang problema ang inilatag na mga hakbang sa pagtatapos ng Ligtas SUMVAC 2024.
Ayon kay Police Brig. Gen. Arnold Thomas Ibay, mananatili ang inilatag nilang mga seguridad tulad noong summer season sa pagpasok ng tag-ulan.
Partikular nilang tutukan ang mga parke, pasyalan, mall, pantalan, bus terminal, simbahan at iba pang matataong lugar gayundin ang kada barangay sa lungsod.
Sinabi pa ni Ibay, nakahandang umalalay at tumulong sa bawat residente sa Maynila na maaapektuhan ng epekto ng La Niña ang bawat tauhan ng MPD kung saan all set na rin ang kanilang mga gamit sakaling kailanganin ang pagresponde.
Patuloy rin naka-monitor ang MPD sa bawat bahagi ng lungsod upang maiwasan ang anumang uri ng krimen habang mas paiigtingin pa ang police visibility at pagpapatrolya.
Aminado naman ang opisyal na kakailanganin pa rin nila ang tulong ng mga tauhan ng barangay lalo na ang bawat residente sa Maynila upang maiwasan ang anumang uri ng krimen.