Epekto ng masamang panahon sa Mindanao, pinaghahandaan ng PCG; daan-daang tauhan idineploy

Pinaghahandaan na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang posibleng epekto ng masamang panahon sa Mindanao.

Ito ay dahil sa low pressure area na binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration-Department of Science and Technology (PAGASA-DOST) at patuloy na pag-iral ng habagat na nagdadala ng mga pag-ulan.

Ayon sa PCG, nakahanda na ang 42 Disaster Response Teams na binubuo ng mahigit 350 personnel sa buong Davao Region.

Layon nitong masiguro ang mabilis na search and rescue operations kung sakaling kailanganin.

Nakaantabay na rin ang kanilang mga kagamitan tulad ng mga land asset vehicles, motor, rubber boats, mga bangka, maging mga jetski at ang BRP Malamawi.

Inatasan naman ang lahat ng Coast Guard stations na makipag-ugnayan sa kani-kanilang Disaster Risk Reduction and Management Offices (DRRMO) para sa operasyon.

Tiniyak ng PCG na handa silang tumugon at protektahan ang mga komunidad sa harap ng banta ng masamang panahon.

Facebook Comments