Pinare-review ni Senator Grace Poe ang epekto ng PUV Modernization Program ngayong tapos na ang deadline sa consolidation ng mga jeepney.
Sinabi ni Poe na dapat paghandaan ng mga transportation officials ang pagbusisi sa impact ng jeepney modernization program kasama na rito ang paggamit ng ₱200 milyon na pondo para sa Livelihood Assistance ng mga drivers.
Ayon kay Poe, hindi ang deadline ng consolidation ang wakas ng paglalabas ng mga hinaing patungkol sa jeepney modernization.
Tiniyak ng senadora na maiging babantayan ng senado ang implementasyon ng PUV Modernization.
Pinagsusumite ni Poe ang Department of Transportation (DOTr) ng komprehensibong data patungkol sa status at revised timeline ng PUVMP, gayundin ang updated statistics ng consolidation ng mga jeepneys, bilang ng ruta na naserbisyuhan, mga apektadong ruta at contingency plans.
Hiningi rin ng mambabatas ang plano ng DOTr para sa mga drivers na mawawalan ng trabaho, ang status ng implementasyon ng Entrepreneur and Tsuper Iskolar Programs at ang paggamit ng pondo sa mga nakalipas na training programs para sa mga drivers.