Manila, Philippines – Balak ng higanteng kumpanya na Coca-Cola na magtanggal na ng manggagawa sa pagpasok ng buwan ng Marso.
Mula sa 606 na mawawalan ng trabaho, 23 dito ay mga Union presidents at officers.
Ayon kay Alfredo Maranon ng Federation and Cooperation of Cola Beverage and Allied Industry Unions, idinadahilan ng kumpanya na apektado na ang negosyo ng TRAIN law kung kayat magpapanibago na ito ng business model.
95 percent ng maapektuhan ng pagbabago ay ang sales force ng kumpanya dahil balak ng i-outsource ang bentahan ng inuming pampalamig.
Inaalmahan naman ito ng mga unyon dahil ang desisyon ng management ay hindi dumaan sa maayos na negosasyon ,hindi nasunod ang sariling panuntunan ng kumpanya at nilalabag ang kanilang Collective Bargaining Agreement.
Naniniwala ang grupo na bagamat may dagdag na anim na pisong buwis sa per liter ng sugary beverage, ipinatong naman ito ng kumpanya sa presyo ng soft drinks kung kayat walang dahilan na magdeklara ng pagkalugi.