
Walang dapat ipag-alala ang publiko at mga eksperto kaugnay sa inaasahang epekto sa ekonomiya ng Pilipinas, ng panukala ng Amerika na patawan ng buwis ang remittances ng mga foreign workers sa kanilang bansa.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro na batay sa pag-aaral ng Department of Finance, hindi pa aabot sa isang porsyento ang inaasahang epekto sa gross domestic product (GDP) ng bansa sakaling mapirmahan ang panukalang batas.
Dalawampung porsyento lang din umano ng 4.4-milyong OFW sa Amerika ang maaapektuhan, partikular ang mga non-US citizens, kabilang ang mga green card holders at may working visa.
Dagdag pa ng DOF, hindi sakop ng kabuuang 41% ng remittance na natatanggap ng Pilipinas mula sa Amerika ay galing sa mga Pilipino doon, dahil karamihan ay idinadaan sa mga bangko ang transaksyon.
Aabot sa $100-million ang malulugi ng Pilipinas mula sa kabuuang $36.5-billion na projected remittances sa Amerika sa 2026.
Ayon naman sa Bangko Sentral ng Pilipinas, 90% ng remittance ng mga OFW sa Amerika ay ginagastos sa pagkain at kailangan sa bahay ng kanilang pamilya dito sa bansa.
Batid aniya ng gobyerno na bagamat maliit ang magiging epekto ng panukalang polisiya sa ekonomiya ng Pilipinas, maaaring malaki ang epekto nito para sa mga Pilipinong umaasa ng remittance mula sa kanilang non-US citizen na kamag-anak sa Amerika.









