Manila, Philippines – Iginiit ni Senator Antonio Trillanes IV na kinakailangang tignan at magkaroon ng malalimang imbestigasyon ukol sa iligal na pag-okupa ng grupong Kadamay sa mga pabahay na itinayo ng National Housing Authority o NHA at ang magiging epekto nito sa seguridad at proseso ng pagkuha ng mga pabahay mula sa gobyerno.
Sa inihain na Senate Resolution 345 ni Trillanes ay kanyang binigyang diin ang intelligence report na ang Kadamay ay isang front organization ng mga komunistang grupo kaya ang pag-okupa nila sa isang komunidad ay may implikasyon sa kalagayan ng seguridad sa bansa.
Binanggit din ni Trillanes na ang impormasyon na kanyang natanggap na ilang miyembro ng Gabinete na may kinalaman sa pagpapatakbo ng mga pabahay ng gobyero ay konektado sa Communist Party of the Philippines (CPP).
Kabilang sa tinukoy ni Trillanes ay sina:
Cabinet secretary Leoncio Evasco Jr., na Chairman din ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC), na sinasabing miyembro umano ng CPP at halal bilang miyembro ng CPP Central Committee sa ika-8 na Central Committee Plenum (1981) sa Mt. Susung Dalaga, Bicol;
Tinukoy din ni Trillanes si NHA General Manager Marcelino P. Escalada Jr., na sinasabing full time na miyembro ng CPP;
at si Presidential Commission for the Urban Poor, chairman James Mark Terry Ridon, na umanoy halal bilang miyembro ng CPP Central Committee Member sa ika-13 na Central Committee Plenum (2012) sa Quezon City.
Giit ni Trillanes, kung totoo ang mga nasabing ulat ay malinaw na ang pag-okupa ng Kadamay sa ilang komunidad ay nangahuhulugan ng paggawa ng kanlungan ng mga komunista sa Bulacan, na malapit lamang sa National Capital Region.
5,208 na bakanteng mga bahay na para sana sa pamilya ng mga sundalo at pulis ang pwersahang inokupa ng gruping Kadamay sa Pandi, Bulacan.
Ayon kay Trillanes, target ng pagdinig na makabuo ng batas para masiguro na hindi gagamit uli ng pwersa at dahas ang anumang grupo na nais magkaroon ng tulong na pabahay mula sa gobyero.
DZXL558