Cauayan City, Isabela- Bumaba na sa “Low” ang Epidemic Risk Classification ng COVID-19 sa buong Lambak ng Cagayan mula sa “High” sa nakalipas na dalawang Linggo.
Sa datos ng Department of Health Regional Office No. 2, na inilabas noong June 25, ang pagbaba ng epidemic risk classification ng Lambak ng Cagayan ay indikasyon na ang Average Daily Attack Rate (ADAR) o bilis ng pagdapo ng virus sa buong rehiyon ay bumaba sa nakalipas na dalawang linggo.
Ang Lalawigan ng Cagayan kabilang ang Tuguegarao City ay nasa ‘Moderate’ classification na lang din.
Habang ang mga nalalabing lugar sa rehiyon gaya ng mga lalawigan ng Quirino, Isabela at Nueva Vizcaya kabilang ang Santiago City, Cauayan City at City of Ilagan ay nasa “Low” status na rin.
Nananatili namang nasa ‘Minimal’ classification ang lalawigan ng Batanes.
Pinapaalalahanan pa rin ng kagawaran ang lahat ng sumunod sa mga minimum health protocols.