
Nakatakdang itaas ng Quezon City government ang alarma matapos ang paglobo ng kaso ng leptospirosis sa lungsod.
Kasunod na rin ito ng pagbaha sa lungsod noong nakaraang mga linggo bunsod ng mga bagyo at habagat.
Base sa data mula sa Quezon City Epidemiology and Surveillance Division (QCESD) na nasa ilalim ng Quezon City Health Department (QCHD), naaabot na ng lungsod ang epidemic threshold matapos maitala ang panibagong 43 na bagong kaso mula July 24 hanggang 30 lamang.
Sinabi ni QCESD Chief Dr. Rolly Cruz, mula Enero hanggang ngayon ay nasa 178 na kaso na ang naitala sa Quezon City na kaso ng nakamamatay na sakit.
Mas mataas ito ng halos 23 percent kumpara sa mga kasong naitala sa parehong period noong 2024.
Pumalo na rin sa 23 ang namatay dahil sa leptospirosis na mas mataas ng 12 percent kumpara sa parehong period noong nakaraang taon.
Ayon sa QCESD, mahigit kalahati sa mga kaso o 99 ang mayroong direktang exposure sa floodwater habang ang 34 cases ay iniuugnay naman sa contact sa kontaminadong tubig.









