EPIRA Law, dapat amiyendahan; gobyerno, dapat bigyan ng kakayahang makapagtayo ng planta ng kuryente

Mahalagang maamiyendahan ang Republic Act 9136 o Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) Law matapos ang mga power outages sa Luzon.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Philippine Rural Electric Cooperatives Association Inc. (PHILRECA) Representative Presley De Jesus, nakasaad kasi sa kasalukuyang bersyon ng batas ay tanging mga pribadong sektor lamang ang maaaring makapagtayo ng planta ng kuryente.

Nais nilang bigyan ng kakayahan ang gobyerno na makapagtayo ng kahit dalawang planta para mapatatag ang supply ng kuryente at maiwasan ang pagtaas ng presyo nito.


Magsisilbi rin aniya itong reserve sa oras na kulangin ang supply.

Sinabi rin ni De Jesus na ang pagpapatayo ng power plants at maintenance nito ay hindi dapat ipasa sa mga tao.

Mariin ding tinututulan ng mambabatas ipasok ang mga power plant sa firm contracting sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) dahil ang mga consumer pa rin ang magdudusa.

Samantala, kontra rin si De Jesus sa muling pagpapatakbo ng Bataan Nuclear Power plant dahil malaki ang magiging gastos para rito.

Facebook Comments