
Isinusulong ngayong 20th Congress na ang panukalang batas na may layong buwagin na ang Regional Wage Boards.
Ito ay sa pamamagitan House Bill 55 o “Equal Pay for Equal Work Act na isinusulong ni Albay Rep. Adrian Salceda.
Nais ni Salceda na magkaroon na lang ng “single National Basic Wage” o NBW na magiging pambansang batayan ng sahod.
Habang ang lahat ng rehiyon ay dadaan sa limang taong transition period kung saan unti-unting itataas ang sweldo taon-taon hanggang sa magpantay sa NBW.
Naniniwala si Salceda na lulutas ito sa hindi pagkakapantay-pantay ng sweldo sa Pilipinas, kung saan pareho naman ang mga trabaho ng mga manggagawa ngunit magkakaiba ang sahod depende sa rehiyon.
Halimbawa ni Salceda, ang isang cashier sa Quezon City ay may sweldong P610 kada araw, pero ang cashier sa Legaszpi City ay tumatanggap lamang ng P375 kada araw, na sadyang malayo gayung pareho naman ang trabaho.
Dagdag ni Salceda, kapag naging ganap na batas ang kanyang panukala, made-decongest ang Metro Manila dahil hindi na luluwas ang mga manggagawa, mababawasan din ang kahirapan sa mga probinsya, at magiging patas ang paglago ng ekonomiya.









