Umabot na sa full capacity ang emergency room at mga ward sa Ospital ng Maynila Medical Center at Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center.
Sa abiso ng nabanggit na mga ospital, magpapatuloy pa rin ang lahat ng serbisyo nila pero humihingi sila ng pang-unawa dahil wala nang lugar sakaling may mga pasyente na dumating.
Kaugnay nito, hinihikayat ang ibang pasyente na magtungo at magpatingin sa iba pang pampublikong ospital o health center sa lungsod.
Inihayag ng lokal na pamahalaan ng Maynila na wala namang mabigat na dahilan o outbreak kung bakit umabot sa full capacity ang dalawang ospital kung saan may iba’t ibang sakit ang mga pasyente na dinala roon.
Regular din na nag-aanunsiyo ang mga ospital para maabisuhan ang publiko kung dapat ba silang lumipat o sumangguni sa ibang pagamutan.
Ang Ospital ng Maynila Medical Center ay mayroong 300 bed capacity habang nasa halos 200 bed capacity naman sa Gat Andres Bonifacio Hospital.