
Nag-abiso ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa publiko hinggil sa kasalukuyan sitwasyon ng emergency room (ER) ng Ospital ng Maynila Medical Center.
Ayon sa Manila Local Government Unit (LGU), naabot na ng ER ng nasabing ospital ang maximum capacity ng bilang ng mga pasyente.
Nabatid na hindi lamang mga residente sa Maynila ang dinadala sa ER ng Ospital ng Maynila kungdi tinatanggap din nila dito ang ibang pasyente mula sa ibang lungsod.
Iba’t ibang klase rin ng sakit ng pasyente ang nananatili sa ER kaya’t walang dapat ikabahala publiko kung bakit ito umabot sa maximum capacity.
Kaugnay nito, humihing ng pang-unawa ang Manila LGU sa mga hindi matatanggap at pagka-antala ng mga serbisyo sa mismong ER ng Ospital ng Maynila habang pinapayuhan ang mga residnete na magtungo muna sa iba pang pampublikong hospital kung kinakailangan.
Matatandaan naman na inaasahan ng Department of Health (DOH) ang pagdami ng nagkakasakit ng ubo’t sipon gayundin ang trangkaso bunsod ng patuloy na pag-ulan at unti-unting paglamig ng panahon kaya’t inaabisuhan ang lahat na mag-ingat at unahin anumang oras ang kalusugan.









