Makalipas ang tatlong taon, muling nagharap sina outgoing Mayor Joseph “Erap” Estrada at Manila City mayor-elect Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa city hall kahapon.
Nagkita ang dating magkaalyado upang maging maayos ang transisyon at maibigay ang mga importanteng dokumento para sa pag-upo ng susunod na alkalde sa Hunyo 30.
Bago maganap ang closed-door meeting ng dalawa, humingi din ng payo si Domagoso kay dating alkalde Alfredo Lim sa pagpapalaganap ng peace and order sa lungsod.
Ilan sa mga papeles na hiningi ni Domagoso ay imbentaryo ng infrastructure facilities, vehicles, supply stocks, remaining budget at city lands.
Ayon kay Estrada, matiwasay niyang maipapasa kay Domagoso ang pamamahala sa Maynila at tiwalang mapapaunlad pa nito ang Maynila.
Hinikayat din ni Erap suportahan ng mga Manileños ang mga panukala at proyektong gagawin ng incoming mayor.
Nangako si Domagoso pagsisilbihan maigi ang siyudad at hinimok din niya ang publikong tulungan siyang iangat ng husto ang bagong Maynila.
Dating bise-alkalde ni Erap si Moreno mula 2013 hanggang 2016.