Erap Estrada, may pasaring sa clean-up operations ni Isko Moreno

Image via Facebook/Gising Maynila

Matapos maghayag ng saloobin ang anak na si Jerika Ejercito, si dating Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada naman ang nagkomento sa clean-up operations ng bagong alkalde na si Isko Moreno.

Hinangaan ng marami ang ginawa ng bagong administrasyon na paglilinis sa lungsod, partikular sa Divisoria, Recto, Quiapo at Blumentritt.

Ngunit sa panayam sa DZMM, tila hindi bumilib ang dating mayor sa pagbabago ng Maynila.


Ayon kay Erap, madali lamang iutos ang pagpapaalis sa mga illegal vendors ngunit kailangan daw isaalang-alang ang kapakanan ng mga ito.

“Madaling magpasikat eh, madali ‘yan. Isang utos ko lang, meron ‘yan,” ani Erap.

Ipinagmalaki rin ng dating alkalde ang kanyang karanasan sa politika.

“Ilang taon na ako naging mayor–sa San Juan, sa Maynila–naging President pa ako.

“Madali ‘yan iutos pero titingnan mo ‘yong kapakanan ng mga kapwa tao mo lalo na ‘yung mahihirap.”

Si Erap ay nagsilbing mayor ng San Juan sa loob ng 17 taon, mula 1969 hanggang 1986, naging pangulo ng bansa noong 1998 na napatalsik sa puwesto noong 2001, at dalawang termino bilang Manila mayor.

Sa parehong panayam, sinabi rin ni Erap na handa siyang harapin ang mga akusasyon laban sa kanya kaugnay ng iniulat ng Commission on Audit na P4.3 billion cash deficit ng lungsod.

“If there is something wrong, sue me. I’m willing to face any. I inherited a bankrupt city. I paid all the debts and was able to put up all these projects, renovate all the hospitals–free hospitals, free doctors, free medicines, free burial,” aniya.

Facebook Comments