Tila nagtapos ang itinuturing na ‘Estrada dynasty’ ngayong eleksyon dahil hindi sila pinalad makakuha ng posisyon sa local at national race.
Tinalo ni Francisco ‘Isko Moreno’ si incumbent Mayor at dating Pangulo Joseph Estrada bilang alkalde ng Maynila. Nakakuha ng 340,018 na boto si Moreno samantalang 199,773 si Estrada. Nag-concede na kagabi si Mayor Erap sa dating ka-alyado at pinasalamatan ang mga taong sumuporta sa kanya.
Sa partial and unofficial result ng senatorial race mula sa COMELEC, bigo pa din makapasok sa top 12 sina JV Ejercito at Jinggoy Estrada. Hanggang ngayon, napako sa 13th place si JV na mayroong 13,817,501 boto at 15th place si Jinggoy na nagkamit ng 10,979,204 boto. Hindi nawawalan ng pag-asa na makabalik sa Senado ang isa sa kanila dahil hindi pa daw tapos ang bilangan.
Winakasan ni Francis Zamora ang mahigit limang dekadang paninilbihan ng katunggaling pamilya sa lungsod ng San Juan matapos i-proklamang bagong alkalde kagabi. Nanguna siya sa halalan ng mahigit 35,060 boto laban kay Janella Ejercito Estrada.
Hindi pumanig ang kapalaran kay ER Ejercito matapos magapi ni incumbent Governor Ramil Hernandez sa Laguna. Base sa unofficial result ng COMELEC Transparency Server, nakakuha si Hernandez ng 814,763 boto at 390,396 si ER.
Maging ang aktor na si Gary Estrada, umuwing luhaan. Sa mga oras na ito, mahigit 50,000 ang lamang ng kanyang kalaban na si Ace Servillon bilang bise alkalde ng Cainta Rizal.
Si Jericka Ejercito ay hindi din nakapasok bilang konsehal ng pang-apat na distrito ng Maynila.