Pinagpapaliwanag na ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang Manila Electric Company (Meralco) kaugnay ng mataas nitong singil sa kuryente para sa buwan ng Mayo.
Ayon sa ERC, may limang araw ang kompanya para magsumite ng paliwanag at pruweba sa ginawa nitong computation sa bayarin.
Nanindigan naman ang Meralco na may basehan at hindi inimbento ang May bill ng mga consumer.
Sa interview ng RMN Manila, ipinaliwanag ni Meralco Corporate Communications Association Head Zen Fortaleza na ang bill para sa Marso at Abril ay ibinase lang muna sa average consumption ng mga consumer sa nakalipas na tatlong buwan.
Habang nag-reflect sa May bill ang aktuwal na konsumo ngayong buwan gayundin ang discrepancy para sa nagamit na kuryente sa Marso at Abril.
Matatandaang hindi nakapagbasa ng metro ang Meralco noong Marso at Abril dahil na rin sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Bukod sa normal sa pagtaas ng konsumo tuwing summer, lumakas din ang gamit sa kuryente dahil halos lahat ay nasa bahay lang at marami ang naka-work from home.
Samantala, nakatakda ring pagpaliwanagin ng House Committee on Energy ang Meralco at ERC hinggil dito.