Nakatanggap ang Energy Regulatory Commission (ERC) ng 47,000 na mga reklamo laban sa mga power distribution utilities kasama na ang Manila Electric Company (Meralco).
Ito ay kaugnay nang nakakalulang taas-singil ng mga power distribution utilities nitong mga nakalipas na buwan.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni ERC Chairperson Agnes Devanadera na nangako naman ang Meralco na aayusin at itatama ang nagkamali nilang kuwenta sa singil sa kuryente.
Gagawa rin aniya ang Meralco ng corrective measures, ito’y ayon sa kanilang presidente na si Rey Espinosa.
Ayon kay Devanadera, ipinasasauli nila ang mga sobrang naibayad ng customers at ngayon ay sinisimulan na itong kuwentahin ng Meralco.
Isinasaayos na rin aniya ng Meralco ang kanilang online payment system at hindi na maniningil pa ng 47.00 pesos na bayarin para rito.
Sa naunang utos ng ERC sa Meralco, dapat ihiwalay ang regular bills o ibinase sa meter reading at sa estimated lamang.
May una na ring utos ang pamahalaan dati sa distribution utilities na huwag munang maniningil habang nasa Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Kaya ayon kay Devanadera, dapat sa June 15, 2020 ang kauna-unahang petsa na pwedeng pagbayarin ang customers nang installment para sa mga buwan na nasa ECQ o mula March, April at May.
Ang regular bill naman ay dapat unang singilin sa June 30, 2020 o hindi mas maaga rito.