Pinuri ni Energy Regulatory Commission (ERC) Chairman Atty. Monalisa Dimalanta ang ilang distribution utilities sa maayos nitong pamamalakad at pagsunod sa Magna Carta for Residential Electricity Consumers kasunod ng ipinatupad na bill deposit refund sa kanilang mga customers at pagkakaroon ng mababang power rate sa bansa.
Ayon kay Dimalanta sa ikinasang media forum sa Maynila, ang ginagawa ng distribution utilities na More Power ay dapat na sundan ng mga katulad nitong mga electricity provider sa buong bansa.
Sinabi pa ni Dimalanta na kung kayang gawin ng More Power ang ganitong maayos na sistema ay dapat ganun din sa ibang DUs.
Aniya, patuloy ang ginagawang monitoring ng ERC upang matiyak ang resonableng presyo ng kuryente alinsunud sa probisyon ng RA 9136 o Electric Power and Industry Reform Act (Epira Law).
Ipinaliwanag naman ni Niel Parcon ang vice president for corporate planning and regulatory affairs ng More Power na dalawa sa naging malaking factor sa pagbaba ng presyo ng kuryente ay pagbili nila ng geothermal energy mula sa geothermal plant ng Energy Development Corp. sa Leyte at ang pagbaba din ng presyo ng coal sa world market mula sa $488 per ton ay naging $200 na lamang.
Sa loob ng magkakasunud na 6 na buwan ngayong taon ay bumaba ang singil sa kuryente ng MORE Power para sa mga residente na sineserbisyuhan nito sa Iloilo City.
Positibo rin ang naturang kumpaniya na patuloy pa ang pagbaba ng kanilang singil sa kuryente hanggang sa pagtatapos ng taon na ikinatuwa naman ni Dimalanta.