Eroplano, bumagsak sa resort sa Laguna; 9 patay, 2 sugatan

Siyam katao ang nasawi matapos bumagsak ang isang private plane sa isang resort sa Calamba City, Laguna, nitong Linggo.

Lulan ang mga pasahero ng King AIR 350, 11-seater na medical evacuation plane na may plakang RP-C2296 na bumagsak sa Agojo private resort sa Mimorante Village, Barangay Pansol.


Kinilala ang mga biktima na sina Capt. Jesus Hernandez, piloto, First Officer Lino Cruz Jr., co-pilot; Dr. Garret Garcia, mga nars na sina Kirk Eoin Badilla, Yamato Togawa, Ryx Gil Laput; Raymond Bulacja-FM, pasyente na si Tom Carr at asawa nitong si Erma Carr.

Sugatan naman ang mag-inang caretaker sa resort na sina Malou Roca, 40, at John Rey, 20, na agad naisugod sa ospital.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, galing sa Dipolog City ang eroplano na papunta sanang Maynila para maghatid ng pasyente matapos ang medical airlift.

Sa salaysay ng mga nakasaksi sa insidente, napansin nilang umuusok ang eroplano na patungo sa direksyon ng Mount Makiling.

Sinubukan pa umano ng piloto na ibalik ang eroplano, ngunit bumulusok na ito.

Facebook Comments