Napilitang lumihis ang isang eroplano nang magsimulang kumain ng mobile phone ang lasing na pasahero matapos tanggihan ng natitipuhang babae sa biyahe.
Sakay ng easyJet mula Manchester, UK patungong Iceland, si Matthew Flaherty nang mabilis niyang tinagay ang isang bote ng gin noong Enero 28, ayon sa ulat ng Metro nitong Pebrero 11.
May tama na ang 44-anyos nang simulang landiin ang babaeng pasahero na hindi namansin, dahilan para manggalaiti at magwala ang lalaki.
Nagbanta pa raw si Flaherty na papatayin ang pamilya ng babae, pati na rin ang ibang pasahero.
Matapos na hindi maawat ng crew ang lasing na pasahero, nagdesisyon ang piloto na bumaba sa Edinburgh Airport na nakaantala sa biyahe ng 142 pasahero.
Habang pababa ang eroplano, nagsimula na raw sirain ni Flaherty ang sarili niyang telepono at nguyain ang mga parte nito.
Nagdulot pa ng kaba nang umusok ang baterya ng cellphone na maigi na lang daw ay agad nailagay sa tubig ng isang flight attendant.
Dinala sa police station ang pasahero pagkalapag ng eroplano, kung saan nagpatuloy pa rin daw ang pagwawala nito, ayon sa ulat.
Napatunayang may sala sa lahat ng reklamo ang lalaki noong humarap sa Edinburgh Sheriff Court nitong Lunes.
Nakatakda siyang sintensyahan sa Marso.