Eroplano ng Philippine Airlines na susundo sa OFWs sa Afghanistan, hindi naka-landing sa Kabul Airport

Hindi nakalapag kagabi sa Kabul Airport ang eroplano ng Philippine Airlines na susundo sana sa 80 mga Pilipino na naipit sa kaguluhan sa Afghanistan.

Ito ay dahil sa dagsa pa rin sa Tarmac ng paliparan ang mga Afghan na nag-aabang ng flights palabas ng kanilang bansa.

Ayon kay Joseph Glenn Gumpal, pangulo ng Filipino Expatriate Community-Samahang Pilipino sa Afghanistan, wala pang linaw kung kailan sila makakalabas ng Afghanistan.


Aniya, patuloy pa silang nakikipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Pakistan na siyang may hurisdiksyon sa Afghanistan.

Pinapayuhan naman ni Gumpal ang mga Pinoy na sasabay sa evacuation flight na maging on-call, iwasang magdala ng mga bagahe at sa halip ay sa hand-carry bag lamang ang dalhin.

Kahapon dumating na sa bansa ang unang batch ng mga Pinoy na inilikas mula Afghanistan via Qatar at ito ay binubuo ng 35 Overseas Filipino Workers (OFWs).

Facebook Comments