Erwin Tulfo, kakasuhan dahil sa tirada kay DSWD chief Bautista
Humingi ng tawad ang mamamahayag na si Erwin Tulfo hinggil sa kanyang tirada at banta laban kay Social Welfare Secretary Rolando Bautista, subalit hindi raw niya babawiin ang sinabi laban sa miyembro ng gabinete na “wala siyang ginagawa.”
“I ask for an apology sa excessive ranting, ‘yung sobrang pagmumura at galit ay medyo nasobrahan nga. five minutes of ranting, I think that was too much… Pero ‘yung pagpupuna sa kanya na wala siyang ginagawa, na kailangan magtrabaho siya, it will stay. Hindi ko babawiin iyun, because wala sa lahi namin na binabawi ng commentaries namin about trabaho mo,” ani Tulfo sa panayam ng CNN Philippines.
Binatikos ni Tulfo sa kanyang programa sa DZRB Radyo Pilipinas, ang retired Army general dahil sa umano’y pagtanggi nito na magpa-interview at nagsabing mapadala muna ng official interview request.
“Tinatawagan ka namin para marinig ng mga kababayan nating mahihirap ang stand ng mga mahihirap. Hindi ‘yung sasabihan mo kami na sumulat muna kayo five days before. Eh sino ka bang p**** ka na kailangan ko pang sumulat-sulat sa’yo? Sagutin mo ‘yang telepono mo dahil ikaw ay DSWD!” galit na tugon ni Tulfo.
“Sampalin kita ‘pag nakita kitang buang ka eh, wala akong pakialam ke retired General ka, mudmurin ko yung mukha mo sa inidoro. Dagdag ka sa problema,” dagdag pa niya.
Aniya, gusto niyang interbyuhin si Bautista upang tanungin sa plano ng DSWD dahil sa pagpirma ni Duterte sa Magna Carta of the Poor. Dapat daw magpaliwanag si Bautista sa publiko.
“Yung ‘wala kang silbi,’ that I will not take back because ayaw niyang sumagot. Mga tao nag-aantay. Eversince maupo si Secretary Bautista sa DSWD, ni nungka hindi malaman ng mga tao ang plataporma niya o ano ang plano niya sa ahensya,” sabi pa niya.
Hindi nagustuhan ng mga aktibo at retiradong opisyal ng militar ang sinabi ni Tulfo, na gumarantiya sa karakter at propesyonalismo ng dating Army chief.
Sinabi ng Philippine Military Academy Alumni Association (PMAAA) sa pangunguna ni PBGen. Arthur Bisnar, plano nilang magsampa ng kasong libel at oral defamation sa korte at Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang mamamahayag.
Tinawag din ni Philippine Information Agency Director-General Harold Clavit si Tulfo na “poisonous and pretentious” at “superstar wannabe,” at kinuwestiyon ang uri ng kanyang pamamahayag.
Sa ngayon, mahigit 2,000 katao ang pumirma sa Charge.org petition para humingi ng taos-pusong paumahin kay Bautista.
Hindi pa naglalabas ng saloobin si Bautista tungkol sa mga patsusada ni Tulfo.